MANILA, Philippines — Muling binalaan ni Senador Sherwin Gatchalian ang suspendidong Mayor ng Bamban na si Alice Guo na maaaring maglabas ng warrant ang Senado para sa pag-aresto sa kanya kung muling iisnabin ang pagdinig ng Senado sa Hulyo 10 kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa kanyang bayan.
Sinabi ni Gatchalian na mapipilitan ang Senado na patawan ng contempt ang dating mayor at papadalhan ito ng warrant of arrest.
“Mako-contempt na siya at that point at pwedeng mag-issue ng warrant of arrest para dalhin siya sa Senado. So, may kapangyarihan ang Senado na mag-isyu ng warrant of arrest para madala siya sa Senado at humarap siya sa mga senador, “ ani Gatchalian.
Muli ring iginiit ni Gatchalian kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dapat ipagbawal na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa dahil pinag-uugnayan lang ito ng iba’t ibang krimen.
Ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ay naglabas na ng subpoena laban kay Guo at sa kanyang pamilya.
Sa huling pagdinig, binalaan din ni Senator Risa Hontiveros, na namumuno sa imbestigasyon na ipapa-contempt si Guo kung hindi igagalang ang subpoena.
Ipinaliwanag din ni Gatchalian na hindi maaaring gawin ni Guo ang ginawa rin sa Department of Justice (DOJ) na hindi sumipot sa preliminary investigation dahil sa kapangyarihan ng subpoena.
“Puwede niyang gawin iyan sa DOJ at sa mga executive branch pero sa Senado, hindi niya magagawa iyon dahil may subpoena na. So, importante na pumunta siya rito dahil hindi kami papayag na abogado lang niya ang pupunta, hindi kami papayag na representative niyang abogado,” ani Gatchalian.
Idinagdag ni Gatchalian na marami pa sa kanilang nagpapadala ng mga ebidensiya na magpapatunay na si Guo ay ang Chinese national na si Guo Hua Ping.