MANILA, Philippines — Bukod sa nakakalungkot, masakit panoorin ang nangyayaring awayan sa pagitan nina Sens. Nancy Binay at Alan Peter Cayetano, ayon kay dating Senator Panfilo Lacson.
Sinabi pa ni Lacson na bagaman at tama lamang na magsagawa nang pagdinig ang Senate Committee on Accounts dahil sangkot ang pondo ng bayan, pero masakit panoorin ang nangyayaring palitan ng salita sa pagitan ng dalawa niyang dating kasamahan sa Senado.
Sa pagdinig noong nakaraang Miyerkules ay nagkasagutan sina Binay at Cayetano tungkol sa pondo ng isinasagawang New Senate Building (NSB).
Parehong naging dating chairman ng accounts commitee sina Lacson at Binay na kasalukuyang pinamumunuan ni Cayetano kasunod ng pagbabago sa liderato ng Senado noong Mayo.
Si Lacson ang nagsulong na dapat magkaroon ng isang “world-class” at “iconic” na building ang Senado noong senador pa siya at namumuno sa accounts committee.
Sinabi rin ni Lacson na bagaman at malapit nang magkatotoo ang pangarap ng Senado na magkaroon ng sariling tahanan, nakakalungkot aniya na ngayon ay naging simbolo pa ulit ito ng panibagong pag-abuso sa pera ng taumbayan.
Nauna rito, iniutos ni Senate President Francis Escudero ang pagrepaso sa proyekto matapos malaman na ang budget sa construction ay lumobo na sa P23 bilyon mula sa orihinal na P8.9 bilyon.
Hiniling ni Escudero ang pakikipagpulong kina Lacson at dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III para pag-usapan ang kanyang plano sa pagsusuri ng proyekto.