25 lugar target ng hypersonic missiles ng China - Imee
MANILA, Philippines — Ikinabahala ni Sen. Imee Marcos ang plano umano ng China na gumamit ng hypersonic missiles laban sa mga base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sinabi ni Marcos, na tatargetin ng hypersonic missiles ang mga EDCA sites sa bansa dahil sa tingin umano ng China ay kumampi na ang Pilipinas sa kalaban nila.
“Dahil sa tingin ng Tsina, talagang kumampi na tayo sa kalaban nila. Nagbigay tayo ng 17 base militar sa pakiwari nila ‘yung EDCA sites…May nakita ako na plano ng Tsina na gagamitin ‘yung hypersonic missile... Ang plano air, ang plano ay ‘yung hypersonic missile at nakatakda na ‘yung 25 na target nila,” sabi ni Marcos sa video na naka-post sa kaniyang opisyal na Meta (Facebook) account.
Sinabi pa ni Marcos na hindi iniisip ng China na lulusob sa Pilipinas ‘yung maraming army nito dahil sa “himpapawid” mangyayari ang paglusob.
Balak naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na makikipag-ugnayan sila kay Marcos, chair ng Senate Foreign Relations Committee para makakuha ng karagdagang detalye tungkol sa impormasyon.
“We are ready to coordinate with Senator Marcos to obtain details and take appropriate actions to ensure our nation’s security,” pahayag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla.
Ayon kay Padilla, ikinokonsidera nilang seryoso ang bagay na ito at gumagawa ng mga hakbangin para protektahan ang pambansang seguridad.
Ang EDCA ay nilagdaan noong 2014 kung saan pinapayagan ang mga tropang Amerikano na magkaroon ng access sa mga itinalagang military facilities ng militar sa Pilipinas.
Idinagdag ni Marcos na sinabi umano ng US na hindi nila kayang labanan ang hypersonic missile na sinasabing limang beses na mas mabilis kaysa sa bilis ng tunog.
“Ang sabi ng US hindi raw nila kaya labanan ‘yung hypersonic missile, mas lalo akong ninerbiyos,”ani Marcos.
Idinagdag niya na ang Batanes, Subic, at Ilocos ang mga unang target.
“Sa pagbabasa natin, may mga (Brahmos) missiles na sa Batanes pati sa Subic. So ‘yung dalawa ‘yun ang uunahin kasama ang Ilocos kasi may mga live-fire Balikatan. Kakatakot nga,”
Hindi naman ibinunyag ni Marcos kung saan niya nakuha ang impormasyon.
Ang Hypersonic missiles ay isang uri ng armas na may kakayahang lumipad sa target ng lima hanggang 25 beses na bilis sa tunog nito.
Ang lubha pang nakakabahala rito, ayon sa mga analyst ay mahirap itong ma-track at maharang ng ordinaryong air defense systems.
- Latest