‘Show cause order’ vs Baste itinanggi ng DILG

MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ulat na nagpalabas sila ng ‘show cause order’ laban kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte upang pagpaliwanagin sa umano’y pagbaha sa kanyang lokalidad noong nakaraang linggo.

“Ito po ay walang katotohanan as far as the DILG is concerned,” ani DILG Secretary Benhur Abalos.

Batay sa ulat, nagtungo sa Tacloban City si Davao Mayor Sebastian Duterte para umano mangampanya na unang napabalitang tatakbo sa Senado habang binabaha umano ang Davao City noong Linggo.

Dahil dito, plano umano ng DILG na pagpaliwanagin si Duterte kung bakit wala ito sa kanyang nasasakupan habang may kalamidad.

Mahigpit na nakasaad sa Local Government Code, na ang mga local executives ay dapat na nasa area of responsibility sa panahon ng mga kalamidad.

Nitong nakaraang linggo, tinamaan ng flash flood ang Toril, Davao City matapos ang ilang araw na pag-ulan sa lugar.

Ipinost pa umano ng mga taga-Tacloban ang ilang larawan at video ng mag-amang Rodrigo at Baste Duterte na nasa entablado na umano’y tila nangangampanya na para sa halalan sa susunod na taon.

Show comments