MANILA, Philippines — Pinalaya na mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang pinakamatandang bilanggo sa bansa.
Kinumpirma ng human rights group na Kapatid ang paglaya ni Gerardo dela Peña, 85, nitong Linggo, Hunyo 30.
Ito’y matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang commutation of sentence ni Dela Peña na 12 taon na lang ang dapat na pagsilbihan, bukod pa sa kaniyang Good Conduct Time Allowance (GCTA) credits na 11 buwan at 15 araw.
Inaresto si Dela Peña noong March 21, 2013 at nahatulan sa kasong murder sa edad na 75.
Ipinagpasalamat naman ng Kapatid ang pagpapalaya kay Dela Peña, na bumabagsak na ang kalusugan at halos hindi na makarinig.
Ayon sa Kapatid, nahatulang makulong si Dela Peña sa kabila ng ebidensya ng pagiging inosente nito at pag-amin ng New People’s Army na siyang may kagagawan ng krimen.
Si Dela Peña ay sinundo ng kanyang anak noong Linggo ng gabi.