Displaced workers sa Zamboanga City inayudahan
MANILA, Philippines — Libu-libong nawalan ng trabaho ang inayudahan ni Senator Christopher “Bong” Go sa Zamboanga City.
Sa kabila ng panandaliang pagkawala ng kuryente, ipinakita ang katatagan at dedikasyon ni Go at ng kanyang Malasakit Team nang ipagpatuloy ang pamimigay ng mga tulong.
Sa aktibidad na isinagawa sa Zamboanga Peninsula Polytechnic State University, personal na namigay si Go at ang kanyang Malasakit Team ng iba’t ibang tulong sa 2,652 displaced workers.
Pinuri ng senador ang DOLE sa kanilang maagap na pagtugon sa mga hamon na kinakaharap ng mga mahihirap at nawalan ng trabaho. Ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program na pinasimulan ng DOLE at laging suportado ni Go, ay nagbibigay ng emergency na trabaho at oportunidad sa kabuhayan sa mga nawalan ng pinagkakakitaan dahil sa krisis.
“Ang programang ito ay mahalaga sa pagbibigay ng pansamantalang trabaho at pagtulong sa ating mga kapwa Pilipino na makabangon muli,” ayon kay Go.
Bukod pa rito, inihain ni Go ang Senate Bill 420 upang magtatag ng isang panandaliang programa sa pagtatrabaho sa mga karapat-dapat na indibidwal mula sa mga mahihirap na sambahayan.
Upang mapagaan naman ang pinansiyal na pasanin ng mga manggagawang Pilipino, patuloy na isinusulong ni Go ang SBN 2534 na naglalayong dagdagan ng P100 ang arawang minimum na sahod sa buong bansa kung ito magiging batas.