MANILA, Philippines — Dalawang mangingisdang Pinoy ang sugatan matapos na sumabog ang makina ng sinasakyang bangkang pangisda malapit sa Bajo de Masinloc sa Scarborough Shoal kamakalawa.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, kaagad silang nagsagawa ng rescue operations sa BRP Sindangan (MRRV-4407), na may lulang walong mangingisda, at binigyan ng atensiyong medikal ang mga nasugatan na nagtamo ng third degree burns.
Sa larawang ibinahagi ng PCG, makikita ang sira at pinsala ng motor banca na sumabog dakong alas-3 ng hapon bago tuluyang lumubog.
Nakita rin ang presensiya ng dalawang barko ng China Coast Guard na nagtangka pang humarang sa isinasagawang rescue operations.
Ani Balilo, hinarang umano ng CCG ang mga rescuers at winarningan na aarestuhin ang mga mangingisda kung hindi sila makikipag-cooperate.
Nagsagawa pa umano ng dangerous maneuvering ang mga ito.
Inabisuhan na lamang ng PCG ang CCG na may ire-rescue at may emergency situations.
Noong una umano ay nag-alok pa ng tulong ang mga ito ngunit malaunan ay hindi na sila pumayag nang malamang parating na ang PCG.
Lumilitaw sa report na faulty battery starter ang sanhi ng pagsabog.
Ibiniyahe na rin ng PCG vessel ang mga nasagip na mangingisda sa Subic Bay. - Joy Cantos