FDA, hinimok ng consumer group na kumilos vs label regulation violations

MANILA, Philippines —  Nanawagan ang isang grupo ng konsyumer sa Food and Drug Administration (FDA) na umaksiyon laban sa umano’y mga paglabag ng ilang tindahan sa labeling regulations na itinakda ng Department of Health (DOH) para masiguro ang kaligtasan at proteksiyon ng mga mamimili.

Hinihimok ng Malayang Konsyumer (MK), isang koalisyon ng mga tagapagtaguyod ng kapakanan at mga karapatan ng mga konsyumer, ang FDA na silipin ang mga reklamong kanilang natatanggap hinggil sa mga produktong ibinebenta ng Dali Everyday Grocery na di-umano’y kuwestiyonable kung sino ang gumawa at saan gawa, lalo na ang mga panindang may tatak na “Product of China.”

Sinabi ni MK spokesman Atty. Simoun Salinas, sa Section VI A.5 ng DOH circular ay nagtatakda na dapat na nakalagay sa isang produkto ang kompletong pangalan at address ng manufacturer, repacker, packer, importer, trader o distributor ng pagkain.

Nilalaman ng DOH Circular, na dapat tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa lahat ng pagkakataon sa gitna ng pagdami sa bansa ng prepackaged food at epektibong magagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng consumer information sa label ng isang produktong pagkain.

Ipinapaliwanag din dito ang kahalagahan ng kompletong product label dahil ang product label ang unang impormasyon na panghahawakan ng isang mamimili upang mabatid ang nilalaman, shelf life, at traceability ng isang produkto na kanyang ninanais na bilhin.

Show comments