MANILA, Philippines — Tukoy na ng mga awtoridad ang pinagtataguan ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag na may outstanding warrant of arrest kaugnay sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Sinabi ni DOJ spokesman Mico Clavano na nagsasagawa lamang ng kaukulang pag-iingat ang mga awtoridad sa pag-aresto kay Bantag matapos sabihin nang huli na mas mainam na siya ay mamatay kaysa makulong.
“We are aware of his whereabouts. It’s just that alam naman natin na hindi talaga ‘yan papayag na magpahuli ng buhay. Mahirap din na ilagay natin ang law enforcement agents in precarious or a dangerous spot. We hope to do this in the most peaceful manner,” sabi ni Clavano.
Tikom naman ang bibig ni Clavano kung saang lugar nagtatago si Bantag.
Anya ito ay nasa malayong lugar na pinalilibutan ng kanyang mga supporters.
Noong Abril ay pinuntahan ng mga tauhan ng NBI ang umano’y pinagtataguan ni Bantag sa Baguio City pero bigo itong madakip doon.
Umaasa naman si Clavano na mapayapang sumuko sa mga otoridad si Bantag at hindi na magdulot pa ng kaguluhan ang pag-aresto rito.
Una nang ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petition for certiorari na inihain ni Bantag na kumukuwestyon sa Las Piñas Regional Trial Court-Branch 254 kaugnay sa pagtanggi sa motion to quash information at warrant of arrest at motion for reconsideration.