MANILA, Philippines — Ikukulong muna dito sa Pilipinas kapag nahatulan ng korte si suspended Bamban Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping bago ipa-deport.
Ito ang tiniyak ni Sen. Risa Hontiveros matapos kumpirmahin kamakalawa ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Mayor Guo at ang Chinese national na si Guo Hua Ping ay iisa lamang ang fingerprints.
Sinabi ni Hontiveros na pinatiyak niya sa Department of Justice na kapag na-convict si Guo ay dapat muna niyang pagbayaran ang kanyang mga kasalanan.
“Yun yung sinigurado ko sa DOJ, in particular…ng Inter-Agency Council Against Trafficking, na kahit magkaroon ng penalty of deportation sa kanya, kapag na-convict siya on any of those cases, she will first have to serve her sentence here in the Philippines,” ani Hontiveros.
“So, kumbaga, hindi lang free pass na made-deport at doon na lang niya harapin yung consequences sa kung saang bansa siya idedeport, but she will have to face the consequences kapag mapatunayan ng mga korte natin na nilabag niya, ang mga batas ng ating Republika,” dagdag ni Hontiveros.
Nauna rito, balak din ng Office of the Solicitor General (OSG) na maghain ng isang quo warranto case laban kay Guo na magreresulta sa pagkatanggal niya sa puwesto.
Inendorso na rin ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagkansela ng birth certificate ni Guo.
“In effect, kung ang kaso na hinaharap natin ay isang Chinese national who posed as a Filipino para makuha ang isang elective office, at kasabay pa yan nag-identity theft ng isang Pilipina para mabigyan ng cover ang mga POGO sa kanilang iba’t ibang criminal activities, so mabibigat na usapin yan,” ani Hontiveros.