Pangamba ng publiko laban sa STSS, pinawi ng DOH
MANILA, Philippines — Pinawi ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko hinggil sa streptococcal toxic shock syndrome (STSS), na kasalukuyang tumataas ang kaso sa Japan at kinumpirma ng isang infectious diseases expert na naitala na rin sa Pilipinas.
Ayon kay DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, sa ngayon ay hindi pa nakikita ng DOH na dapat nang ituring bilang isang public health concern sa bansa anga STSS.
Sa halip, hinikayat ni Domingo ang publiko na ipokus ang kanilang atensiyon sa risk communication efforts laban sa WILD diseases o yaong ‘water and food-borne diseases, influenza-like illnesses, leptospirosis, at dengue’ na minomonitor ngayon ng DOH dahil sa mga pag-ulan at mga pagbaha.
Nauna nang sinabi ni Dr. Rontgene Solante na base sa clinical experience, ilang kaso na ng STSS ang natukoy sa Pilipinas. Sa Japan aniya, umabot na ang mga kaso sa 900 hanggang 1,000.
Ipinaliwanag ni Solante na ang STSS ay sanhi ng isang common bacteria na nagdudulot ng pharyngitis o pamamaga ng pharynx.
Ang naturang bacteria ay nagreresulta rin aniya sa isang rare o bihira ngunit malalang kumplikasyon kung kakalat sa daluyan ng dugo.
- Latest