MANILA, Philippines — Tatratuhin ng patas at irerespeto ng Kamara si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung dadalo ito sa pagdinig sa mga kaso ng Extra Judicial Killings (EJK) sa giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Ito ang tiniyak ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr., chairman ng Committee on Human Rights matapos sabihin ni Digong na wala siyang planong dumalo sa pagdinig sa hinalang ipapahiya at mababastos lamang siya dito.
Muli ring kinumbinse ng solon ang dating Pangulo na dumalo ito sa pagdinig upang mabigyan ng oportunidad na magpaliwanag sa mga kaso ng patayan sa drug war.
“The invitation to former President Rodrigo Duterte is an opportunity for him to personally address issues that have been brought to light during our ongoing inquiry regarding the war on drugs that was undertaken during his administration,” pahayag ni Abante.
Nilinaw naman ni Abante na ang layunin ng pagdinig ay pakinggan ang lahat ng panig at makakuha ng dagdag na impormasyon sa posibleng mga kaso ng EJK na iniuugnay sa drug war.