MANILA, Philippines — Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations ang seaman ng Philippine Navy na naputulan ng daliri sa engkwentro sa pagitan ng resupply mission para sa BRP Sierra Madre at Chinese Coast Guard sa Ayungin Shoal noong Hulyo 17.
Ikinuwento ni Seaman First Class Jeffrey Facundo, miyembro ng Naval Special Operations Unit, na bahagi siya ng apat na barko — dalawa mula sa Marines at dalawa mula sa NAVSOU na umalis sa mainland Palawan noong mangyari ang insidente at dumating sa shoal bandang 6 na umaga.
Ayon kay Facundo, ang mga bangka lamang ng NAVSOU ang nakarating dahil ang isa sa mga Marine boat ay nasira at ang kasamang bangka nito ay nanatili sa kanilang likuran.
Pagdating doon ay binangga na agad sila ng mga sasakyan ng China.
“Pagkarating po nila wala na pong warning diniretso ‘yung pagbangga, nagbanggaan na po,” ani Facundo.
Walo aniya ang Chinese vessels kabilang ang isang aluminum RHIB ng China Coast Guard.
Ayon pa kay Facundo, sinigawan sila ng mga Intsik habang binabangga sila. Mayroon aniyang mga fireax at mga tubo na may matutulis na dulo ang mga Chinese at pinutol ang mga lubid sa BRP Sierra Madre.
Naputol daw ang daliri niya nang maipit ito ng Chinese boat na bumangga sa kanila.
Sinira rin ng mga tauhan ng Chinese ang dalawang personal na cellphone na ginagamit sa pag-navigate sa bangka.
Pinanindigan ni Facundo na hindi matatawag na aksidente ang nangyari dahil ito ay sinadya.
Sabi ni Facundo, sinadya ng CCG ang pagbangga at pagbutas sa kanilang rigid hull inflatable boat (RHIB) para pigilan sila sa rotation at resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Inamin ni Facundo na may dala silang baril pero ito ay nakalagay lamang sa kahon at batay sa kanilang “rules of engagement” ay magpapaputok lamang sila ng baril kung una silang papuputukan.