MANILA, Philippines — Tiniyak ni Vice President Sara Duterte na wala siyang planong magbitiw bilang ikalawang pangulo ng Pilipinas at nananatili aniyang maayos ang estado ng kanilang relasyon ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ito’y sa kabila nang una nang pagkalas ng bise presidente mula sa gabinete ni PBBM at pagbibitiw sa puwesto bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at Vice Chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTFELCAC).
“Walang discussions about resigning sa Office of the Vice President,” ayon kay Duterte, sa eksklusibong panayam ng GMA Integrated News kamakalawa.
Tiniyak din niya na sa ngayon ay nakatutok siya sa Office of the Vice President (OVP) at sa katunayan ay mayroon aniya silang nakahanay na 10 proyekto.
Aminado si Duterte na nalulungkot siya sa ginawang pagbibitiw sa DepEd dahil mahal aniya niya ang trabaho niya roon.
Gayunman, nagdesisyon umano siyang bumaba sa puwesto para na rin sa ikabubuti ng DepEd.
Samantala, tiniyak din naman ni Duterte na maayos ang kasalukuyang estado ng relasyon nila ni Pang. Marcos.
“We are still friendly with each other on a personal level,” aniya pa.