PNP Region 3 Director nasa ‘hot water’ sa 2 POGO hub
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na iniimbestigahan na si Central Luzon o PRO 3 Director BGen. Jose Hidalgo Jr. kaugnay ng umano’y insidente ng patayan sa illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa kanyang nasasakupan.
“We are investigating the regional director sa reports na hindi naaaksyunan nang mabuti. We put accountability on our regional directors,” ani Marbil.
Sakop ng Central Luzon ang Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga na nakitaan ng operasyon ng illegal POGOs.
Nilinaw ni Marbil na ang imbestigasyon ay patungkol sa umano’y posibleng kapabayaan ng PRO3 na siyasatin ang illegal activities at patayan at hindi pagiging protektor ng mga pulis sa scam farm.
Ang ‘inefficiency’ ang dahilan ng pagkakasibak ng buong puwersa ng Bamban Police Station at hepe ng Porac Police.
“May mga killings doon na hindi naimbestigahan ng mabuti. Hindi kasi siya normal. Bakit may foreigners na namamatay? Dapat inimbestigahan nila.I don’t want to say protector. Ang hinahabol natin sa mga tao natin, bakit hindi naimbestigahan at naireport sa headquarters ‘yung mga ganitong pangyayari?” dagdag ni Marbil.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Dr. Winston John Casio na dinakip nila ang isa sa umano’y manager ng POGO sa Porac sa posibilidad na may nalalaman ito sa operasyon ng POGO.
Napa-offload nila sa Bureau of Immigration ang manager na galing sa Davao palabas ng bansa.
Tumanggi naman si Casio na ibunyag ang pangalan nito.
- Latest