Graduating sa senior high, ­kolehiyo ­magtanim ng 2 puno — Sen. Tulfo

Senator Raffy Tulfo.
STAR / Mong Pintolo

MANILA, Philippines — Naghain si Senador Raffy Tulfo ng panukalang batas na nag-aatas sa lahat ng magtatapos na senior high school at kolehiyo na magtanim ng tig-dalawang puno bilang tungku­ling sibiko para sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan.

Sa kanyang Senate Bill 2691 o ang Graduating Students for Reforestation Act of 2024, iginiit ni Tulfo na ang Pilipinas ay nahaharap sa iba’t ibang problema sa kapaligiran, kabilang ang deforestation, pagkawala ng biodiversity, at pagbabago ng klima.

Ang mga kagubatan aniya ay mahalaga sa pagpapanatili ng balanseng ekolohiya, pagsuporta sa biodiversity, at pagsasaayos ng klima sa pamamagitan ng pagsipsip ng carbon dioxide.

Gayunpaman, ang mga likas na yaman ng bansa ay napinsala ng deforestation at pagkasira ng kagubatan.

Binigyang-diin ng senador na sa pamamagitan ng pag-uutos ng pagtatanim ng puno para sa mga magtatapos na estudyante ay direktang tinutugunan ang mga hamong ito at nag-aambag sa reforestation sa pagpapanumbalik ng ekolohiya.

Naniniwala si Tulfo na ang pagsasama ng aktibidad sa pagtatanim ng puno sa mga graduating students ay magiging garantiya na ang mga mag-aaral ay hindi lamang matututo sa teorya dahil makikibahagi rin sila sa mga praktikal na aksyon at solusyon.

Show comments