Chinese warship umaaligid na sa Mindanao
MANILA, Philippines — Umaaligid na ang Chinese warship sa Mindanao Region matapos itong mamataan ng grupo ng mga mangingisda.
Ito’y kasunod ng namonitor na apat na warship ng China sa Basilan Strait kamakailan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kinumpirma ni AFP Public Affairs Office (AFP-PAO ) Chief Col. Xerxes Trinidad.
Dahil dito, nagpahayag ng pagkabahala ang Kilusang Artisanong Mangingisda sa Pilipinas (KAKAMPI) na sila ang maging susunod na target ng mga Chinese Coast Guard ( CCG) na itaboy sa sariling teritoryo.
Sa isang pahayag ni Roberto Ballon, pinuno ng KAKAMPI sa Mindanao, malayang nakakapaglayag ang mga Chinese warships sa Mindanao Region habang ipinagtatabuyan naman ang mga kapwa nila mangingisda sa WPS.
Ayon kay Ballon, nangangamba silang baka sila naman ang pagdiskitahang itaboy ng CCG kaya nais din nila ng kasiguruhan sa pamahalaang nasyonal na mabigyan sila ng proteksiyon.
“Natatakot ‘yung mga kapwa natin mangingisda na baka dumating ang panahon na kami naman ang itaboy ng mga Chinese, hindi na kami makapaglayag sa sarili nating karagatan para makapangisda,” ani Ballon.
- Latest