MANILA, Philippines — Walang balak ang Pilipinas na i-akyat pa sa mas mataas na international body ang pinakabagong insidente ng pangha-harass ng China sa Ayungin Shoal.
Sa halip ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, handa ang bansa na makipag-usap o makipag-ayos sa China para maresolba ang alitan.
Ito ang tugon ni Bersamin sa isang pulong balitaan sa Malakanyang matapos tanungin kung kinokonsidera ng pamahalaan na idulog ang insidente sa international body.
“That’s not yet in consideration because I think this is a matter that can easily be resolved very soon by us. And if China wants to work with us, we can work with China,” ayon sa Executive Secretary.
Nilinaw naman ni Bersamin, chairman ng National Maritime Council (NMC) na hindi nila pinag-usapan ang paggigiit ng Mutual Defense Treaty(MDT) sa kanilang pagpupulong nitong Biyernes.
Sa halip nagbigay lang sila ng ilang rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang dito ang pagpapatuloy ng routinary and regular rotation and reprovision (RORE) missions sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa kabila ng mga ginagawa ng China.
Pero bago aniya ang RORE mission ay kailangang i-anunsiyo muna ito.
Nauna na rin sinabi ni Bersamin na hindi kinokonsidera ng pamahalaan na armed attack ang panibagong harassment ng China.