MANILA, Philippines — Ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang 8-oras na duty ng bawat pulis upang mabigyan ng sapat na oras ang pamilya.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, hindi dapat na 12 oras ang trabaho ng mga pulis na humahantong sa kawalan ng oras sa pamilya at pagtulog sa mga police stations.
Ang pahayag ni Marbil ay kasabay ng idinaos na Pamilya ng Pulis Family Day sa Camp Crame kahapon.
Aniya, ito ang dahilan kung bakit niya inutos ang deployment ng 85 porsiyento ng 232,000 pulis sa lansangan sa halip na mga administrative work.
“We want to make sure na mas marami pong pulis sa ground pero ‘yung palitan eight hours lang so you can go home, spend time with your family,” ani Marbil.
Binigyang diin ni Marbil na kailangan din ng mga pulis na makasama ang kanilang pamilya kaya hindi ito ipagkakait ng PNP.
Sinabi naman ni Maj. Gen. Bernard Banac, Directorate for Police Community Relations (DPCR) director, na layon nilang gawin ang programa o Family Day quarterly.
“Yung mga regional offices ay magkakaroon din nito mula ngayong buwan na ito hanggang sa matapos ‘yung taon,” ani Banac.