MANILA, Philippines — Hindi sapat ang pagkondena sa ginagawa ng China Coast Guard sa karagatan na sakop ng Pilipinas at dapat ihanda at i-modernize ang Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard.
Ayon kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri, maliwanag na walang pakundangan ang pagkilos at agresyon at karahasan ng Chinese maritime authority sa exclusive economic zone ng West Philippines Sea.
Kahit na aniya suportado ng international community ang Pilipinas, nananatiling hindi nababahala ang China.
Ang pagsulong sa programa ng modernisasyon ng AFP ang tanging paraan aniya para mapaghandaan ang mga susunod na gagawin ng China at kailangang madagdagan ng puwersa ng Pilipinas sa pagpapatrolya ng West Philippine Sea.
Ang Senado ay naglaan na ng mahigit P6 bilyon para sa AFP at P2.8 bilyon para sa PCG para sa 2024.
Sinabi ni Zubiri na kailangan nang ilabas ang mga pondo upang matulungan ang AFP sa pagbili ng mga sasakyang pandagat at kagamitan para maipagtanggol ang mga katubigan ng bansa.