Para unang magpaputok
MANILA, Philippines — Ginagalit umano ng China Coast Guard ang mga sundalo ng Philippine Navy sa mga panggigipit nito sa West Philippine Sea upang unang magpaputok ng baril.
Ang pahayag ay ginawa ni Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, kasunod ng pagkakasugat ng pitong sundalo kung saan isa ang naputulan ng daliri, habang nagsasagawa ng rotation and resupply mission sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Trinidad, ginagawa ng China ang lahat ng pang-uurot para masabing nauna ang Pilipinas na gumamit ng dahas.
“They would like to push us to fire the first shot. ‘Yun ang labanan diyan. You should understand. [The] Chinese thought papatol tayo sa maling paraan,” ani Trinidad.
Sinampahan din ng CCG ang rigid-hulled inflatable boats ng Pilipinas at kinumpiska ang mga baril ng mga sundalo.
Hinihintay aniya ng China ang isang pagkakamali ng Pilipinas para nasa panig nila ang karapatan.
Naglabas din ng mga larawan at video ang mga awtoridad na makikitang armado ng mga patalim at palakol ang mga tauhan ng China.
Tiniyak ni Trinidad na hindi magpapa-udyok ang Pilipinas sa walang habas na pambu-bully ng China at naayon sa batas ang lahat ng gagawing aksyon ng Pilipinas.
Sinabi ni Trinidad na magkakaroon ng kaukulang pagbabago para matiyak na walang tauhan ng Pilipinas ang masasaktan.
“We will do more planning and there will be changes, you will see changes,” saad niya.
Kinondena rin ng Pentagon ng Amerika ang ginawa ng China na tinawag nito na “provocative, reckless, and unnecessary,” dagdag pa ni Trinidad.