MANILA, Philippines — Upang maiwasang mabahiran ng ‘narcopolitics‘ at tiyaking malinis sa droga, isinusulong ni Albay 3rd District Rep. Fernando Cabredo ang panukalang mago-obliga sa lahat ng mga kandidato na sasabak sa 2025 midterm elections na isalang sa drug test.
Si Cabredo ay naghain ng House Resolution (HR) No. 1772 na humihikayat sa Comelec na gawing mandato ang drug testing sa lahat ng mga kandidato sa May 2025 midterm polls.
Sinabi ni Cabredo na sa pamamagitan ng drug testing ay malalaman kung ang isang kandidato ay nasa ilalim ng drug use o paggamit ng droga at magiging batayan kung kuwalipikado ba ang mga ito para tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Hiniling ng solon sa Comelec na magtatag ng malinaw na panuntunan at proseso para sa implementasyon ng mandatory drug testing sa lahat ng mga kandidato upang matiyak ang patas, may transparency at pagsunod sa mga batas at regulasyon sa bansa.
Binigyang diin ng solon na papaano aniya na magiging mabuting serbisyo publiko ang isang kandidato kung lulong o gumagamit ng illegal na droga.