MANILA, Philippines — Si dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga supporter nito ang sinisisi ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon sa pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte bilang Education Secretary at Vice Chair of National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa pamamagitan ng isang video, sinabi ni Gadon na hindi tama ang ginawa ng dating Pangulong Duterte at mga vloggers nito sa pagtawag ng “bangag” sa Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. habang ang responsibilidad ng Bise Presidente ay suportahan at tulungan ang administrasyon.
Nakakalungkot na ibang tao ang nagdudusa sa kasalanan ng iba.
Hindi matatatawaran aniya ang 31 milyong Pilipino na bumoto kay Marcos at naniniwalang aangat ang ekonomiya ng bansa sa tulong ni VP Sara.
Sa isang banda aniya, sinabi ni Gadon na maganda rin ang pagbibitiw ni VP Sara dahil bumaba na rin ang trust rating nito.
“Yang mga ginagawa ninyong lahat na ‘yan, nag-backfire kay VP Inday. Ang may mga kasalanan sa mga nangyayari ngayon ay kayo na mga DDS supporters at DDS vloggers at si former president Duterte. ‘Yan ang talagang pangyayari. Sayang ‘yung Uniteam, maganda na sana inumpisahan pero dahil lamang sa isyu ng confidential funds nagwala na mga Duterte. Sino nagsuffer? Si Inday Sarah” ani Gadon.