Philippine troops lumaban gamit ang kamay
MANILA, Philippines — Armado ng itak, sibat, kutsilyo at iba pang mga patalim ang Chinese Coast Guard (CCG) na umatake sa Philippine Navy personnel habang nagsasagawa ng Rotation and Resupply (RoRE) mission sa Ayungin Shoal.
“They fight with their bare hands, despite the absence of weapons to defend themselves lumaban sila (Filipino troops). ‘Yung mga Chinese may mga dala silang bolo, sibat, knives, machete and other bladed weapons,” pagkumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Gen. Romeo Brawner Jr. sa nangyaring harassment noong Hunyo 17 sa nabanggit na teritoryo.
“With their bare hands, tinutulak nila ang RHIB ng (rigid hull inflatable boats of) Chinese Coast Guard. They were preventing Chinese Coast Guard from hitting them,” ani Brawner.
Sinabi ni Brawner na hindi basta na lamang hinayaan ng Phl Navy troops ang kanilang mga kagamitan pero may limitasyon din ang mga ito kung saan higit na marami ang kalaban na binangga pa ang kanilang rubber boats.
Nilinaw naman ng AFP chief na ang hangarin ng mga sundalo ay mag-supply lamang ng pagkain at iba pang pangangailangan para sa tropa ng mga sundalo na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre at ayaw ng AFP ng giyera.
Sinabi naman ni AFP-Westcom Chief Rear Admiral Alfonso Torres, sumampa sa Phl vessel ang mga Chinese, kinumpiska ang pitong mahahabang armas na nakatago ng mga sundalo at maging ang kanilang mga personal na cellphone.
‘Di pa nakuntento ay kinuha rin ang dalawang rubber boats na hinila ng mga ito at winasak ang communication equipment, outboard motor saka binutas ang mga rubber boats.
Inihalintulad rin ni Brawner sa mga pirata ang Chinese Coast Guard sa illegal na pagkuha at pagwasak sa kagamitan ng mga sundalong Pinoy.
Ang mga nawasak na rubber boats ay nagawa namang marekober sa pagsaklolo ng mga barko ng Philippine Coast Guard.