MANILA, Philippines — Nakasungkit ng pangako ang congressional delegation ng Pilipinas na pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez mula sa mga opisyal ng Japanese parliament na kukuha ang Japan ng dagdag na mga Pilipinong manggagawa sa mga kritikal na sektor gaya ng elderly care.
Ang pangako ay nakuha sa isinagawang high-level discussions kasama si National Diet of Japan Speaker Fukushiro Nukaga at Vice-Speaker Banri Kaieda na ginanap sa Tokyo parliamentary building nitong Martes.
Sa naturang pagpupulong, kinilala ni Vice-Speaker Kaieda ang mga hamon na kinakaharap ng Japan at ang mahalagang kontribusyon ng mga Pilipino.
“Japan is facing a decrease in population, and in this regard, Japan truly appreciates the Filipinos working here, especially elderly care workers,” ani Vice-Speaker Kaieda.
“We are looking forward to welcoming more Filipinos to work in Japan,” dagdag pa nito.
Sinabi naman ni Speaker Romualdez ang potensyal na mapalakas pa ang kooperasyon ng dalawang bansa.
“The Philippines has a growing population, so we are more than happy for our people to come and work here after receiving the appropriate training,” ani Speaker Romualdez.
Makatutulong din umano ito upang magkaroon ng bagong kaalaman ang mga Pilipino sa teknolohiyang mayroon ang Japan.
Sa kaparehong pagpupulong, nangako rin si Speaker Nukaga na ipagpapatuloy ang pagtulong sa ekonomiya ng Pilipinas. Sinabi nito na mayroong 1,400 Japanese company na nag-o-operate sa Pilipinas.
Nagpasalamat din si Romualdez sa patuloy na pagsuporta ng Japan sa mga Pilipino.
Mayroong mahigit 300,000 Pilipino na nakatira sa Japan kung saan nasa 164,000 ang nasa sektor ng caregiving, agriculture, hospitality, at manufacturing.
Kinilala rin ni Romualdez ang pagbibigay ng Japan ng suporta sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng official development fund (ODA).