21 Pinoy seaman na inatake sa Houthi, nakauwi na
MANILA, Philippines — Nakauwi na sa Pilipinas kahapon ang 21 Filipino seafarers na nasagip mula sa MV Tutor, na inatake ng mga rebeldeng Houthi kamakailan.
Ang mga naturang Pinoy seafarer ay sinalubong ng mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Health (DOH) sa kanilang pagdating sa bansa.
Lulan sila ng isang flight mula sa Bahrain Airport, nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon sa DMW, ang mga tripulante ay tatanggap ng financial assistance na nagkakahalaga ng P230,000.
Nabatid na P50,000 mula sa nasabing halaga ay mula sa DMW; P150,000 ang mula sa House of Representatives; P10,000 ang mula sa Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) at P20,000 ang mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Una na rin naman silang tumanggap ng tig-192 Bahraini Dinars, na katumbas ng P30,000 bago umuwi ng Pilipinas.
Matatandaang Hunyo 12 nang mawasak ang MV Tutor matapos ang double missile attack ng mga rebelde sa Red Sea.
Kaagad namang nasagip ang 21 tripulante na sakay nito, habang nawawala ang isa pa.
- Latest