Escudero, Romualdez nagpulong
MANILA, Philippines — Nag-meeting kahapon sa Aguado residence sa Malacañang sina Senate President Francis “Chiz” Escudero at House Speaker Martin Romualdez kung saan napag-usapan ang mga sistema sa legislative process upang maiwasan ang pagpasa ng mga panukalang batas na sa huli ay ibi-veto lamang ng Pangulo.
Ayon kay Romualdez, ang pagpupulong ay naglalayong pagandahin ang kooperasyon ng Senado at Kamara para maging mabilis ang pagtugon sa legislative agenda ng Marcos administration.
Sinabi naman ni Escudero, naging target ng meeting na huwag maibalik sa bicameral conference committee o kaya ay ma-veto ang mga ipinapasa nilang panukala upang hindi masayang ang oras.
Sinabi rin ni Escudero na ang koordinasyon ay hindi lamang dapat sa pagitan ng Senado at House of Representatives kundi maging sa Malacañang o Executive.
“Para hindi sayang ‘yung pagod. Tapos minsan may mga bicam na binabalik. Para di ba the coordination must take place not only between the Senate and the House, but also with the Executive,” ani Escudero.
Nagsilbi rin aniyang “preliminary” ang nasabing meeting para sa isasagawang Legislative-Executive Development Advisory Council (Ledac) meeting sa Hunyo 25.
Napag-usapan din sa meeting ang nasa 20 panukalang batas na target na maaprubahan ngayong Hunyo 2024.
- Latest