Absolute Divorce Bill ipinadala na ng Kamara sa Senado

Ayon kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, pangunahing may-akda ng House Bill ( 9349) o “An Act Reinstituting Absolute Divorce as an Alternative Mode for the Dissolution of Marriage”, ang nasabing panukalang batas ay ipinadala na ng tanggapan ni House Secretary General Reginald Velasco sa Senado nitong Hunyo 10.
Philstar.com/File

MANILA, Philippines — Sa kabila ng pagkakahatihati ng mga mambabatas ipinadala na ng Kamara sa Senado ang kontrobersiyal na Absolute Divorce Bill.

Ayon kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, pangunahing may-akda ng House Bill ( 9349) o “An Act Reinstituting Absolute Divorce as an Alternative Mode for the Dissolution of Marriage”, ang nasabing panukalang batas ay ipinadala na ng tanggapan ni House Secretary General Reginald Velasco sa Senado nitong Hunyo 10.

Una nang sinabi ng ilang mambabatas na kukuwes­tiyunin nila sa Senado ang pagkakapasa sa Absolute Divorce Bill na nakakuha ng botong 131 pabor, 109 ang tumutol at 20 naman ang nag-abstain noong Mayo 22.

Sinabi namàn ni Lagman na ang pag-transmit sa Senado ng panukala ay bilang pagtalima ng tanggapan ni Velasco sa kaniyang kahilangan na ipadala na sa Senado ang panukalang batas.

“This means that the transmittal to the Senate will not wait for the plenary action of the House when the sessions start on July 22, 2024, as previously announced by Velasco,” ayon kay Lagman matapos namang una ng sabihin ng huli na itatama ang resulta ng botohan.

Sa kasalukuyan ay naka-recess ang Kongreso at nakatakdang magbukas muli ang sesyon sa darating na Hulyo 22.

Sa panig ng mga mambabatas na tumututol sa Absolute Divorce Bill, sinabi ng mga ito na nais nilàng kuwestiyunin ang resulta dahilan ang resulta umano ng botohan sa pabor sa kontrobersiyal na panukalang batas ay mahigit pa sa mga mambabatas na dumalo sa plenaryo.

Iginiit naman ni Lagman na ang mga nag-abstain ay hindi na dapat isama pa sa bilangan dahil hindi naman ang mga ito pabor at hindi rin naman ang mga ito tutol.

Magugunita na sinabi ng ilang Kongresista na daraan sa butas ng karayom sa Senado ang nasabing panukalang batas.

Show comments