MANILA, Philippines — Umaasa si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na lalabas ang katotohanan hinggil sa umano’y pananakit sa isang radio reporter ng mga miyembro ng transport group na nagsagawa ng kilos-protesta noong Lunes.
Nagpahayag ng pagkabahala si Tolentino para kay Val Gonzales, isang beteranong reporter ng istasyon ng radyo DZRH, na iniulat na sinaktan ng mga miyembro ng transport group na Manibela na nagpiket sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City.
“Kailangan nating malaman ang katotohanan dito dahil ginagawa lang ng mga miyembro ng media ang kanilang trabaho. Itong mga journo ay hindi dapat puntiryahin, ‘di dapat maging biktima ng harassment at karahasan,” idiniin ng senador.
Itinanggi ni Manibela chairman Mar Valbuena na may nangyaring pag-atake at sinabi niyang ang reporter ang nag-udyok ng gulo sa pamamagitan ng pagmumura at paggawa ng mga nakakasakit na pahayag laban sa kanilang mga miyembro.