MANILA, Philippines — Tiniyak ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang mga partner nito na nakabantay sila sa anumang balakin ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF, kahit pa mahihina na ang mga guerilla fronts nito sa Cagayan Valley at karatig na mga lugar.
Ang paniniyak ay ginawa ni NTF-ELCAC Executive Director and Undersecretary Ernesto Torres Jr. matapos manawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos na maging handa sa ‘external threats’ dahil sa tensiyong ‘geopolitical’ sa Indo-Pacific region.
Aniya, ito ang dapat na pinaghahandaan ng mga nasa ‘northern Philippines’ sa anumang maaaring mangyari.
Kanya rin ipinagdiinan ang pangako ng pamahalaan na ipaglaban at idepensa ang mga teritoryo ng bansa at hindi isusuko ang mga boundary nito, at pangalagaan ang kapayapaan sa.pamamagitan ng mga ‘diplomatic efforts.’
Sa pagtugon sa pabago-bagong ‘geopolitical landscape’ at mga banta, itinalaga ng pamahalaan ang Cagayan bilang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site, sa pakikipagtulungan ng bansang Amerika, ang pinakamalapit na ‘military ally’ ng bansa.