Cellphone ban sa klase inihain na sa Senado

Students line up to enter Araullo High School in Manila on January 15, 2024.
Edd Gumban/The Philippine STAR

MANILA, Philippines — Isinulong na sa Senado ang panukalang ipagbawal ang paggamit ng mobile device at electronic gadgets sa mga paaralan sa oras ng klase.

Sa ilalim ng Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 2706) na inihain ni Sen. Sherwin Gatchalian, sakop ng panukala ang mga mag-aaral sa kindergarten hanggang senior high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Ipagbabawal din sa mga guro ang paggamit ng mga mobile devices at electronic gadgets sa oras ng klase.

Bagama’t naniniwala si Gatchalian na mahalaga ang papel ng mga mobile devices at electronic gadgets sa edukasyon, binigyang diin niya na maaari rin silang makapinsala sa pag-aaral, lalo na kapag nakakaabala sila sa oras ng klase.

Lumabas sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na 8 sa 10 mga 15-taong-gulang na mag-aaral ang iniulat na naabala sila sa paggamit ng smartphone sa klase. Parehong bilang ng mga mag-aaral ang nagsabing naabala sila ng paggamit ng ibang mag-aaral ng smartphone sa oras ng klase. Lumalabas din sa resulta ng PISA na nauugnay ang pagkakaabala na dulot ng paggamit ng smartphone sa pagbaba ng 9.3 points sa mathematics, 12.2 points sa science, at 15.04 sa reading.

Ngunit may mga pagkakataon namang maaari pa ring gumamit ng mga smartphones at electronic gad­gets. Halimbawa ng mga ito ang classroom presentation at iba pang mga gawain.

Sa 2023 Global Education Monitoring Report, 13% ng mga bansa sa mundo ang may mga batas na nagbabawal o naghihigpit sa paggamit ng mobile phones sa mga paaralan, habang 14% ang mga may polisiya, estratehiya, o mga pamantayan para sa parehong layunin.

Show comments