MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ng anim na buwan ang 7 empleyado ng Marikina City Engineering Office kaugnay ng umano’y paghingi ng suhol kapalit ng pag-isyu ng building at occupancy permits sa lungsod.
Laman ng isang kautusan ng Ombudsman na may petsang Hunyo 6 ang pagpapataw ng preventive suspension laban sa mga tauhan ng Marikina City Engineering Office makaarang madetermina ng tanggapan na may matitibay na ebidensiya na nagpapakita na “guilty” ang mga ito sa “grave misconduct and conduct prejudicial to the service.”
Sa 10 pahinang kautusan na nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires, ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ng mag-asawa na noong August 2021 ay nag-aplay ng naturang mga dokumento kung saan hinihingan umano sila ng P430,000 kahit hindi naman naipalabas ang permit.
Ayon sa Ombudsman, may sapat na basehan upang masuspinde ng anim na buwan nang walang suweldo sina City Engineer Kennedy Sueno, Enforcement Section Chief Romero Gutierrez Jr., Building Inspector Marlito Poquiz, Electrical Inspector Alex Copreros, Engineer III Mark De Joya, Administrative Aide III Abigail Joy Santiago, at Electrician Foreman Manuel Santos.
Ayon sa Ombudsman, may mga hawak silang ebidensiya na nagpapatunay sa umano’y paghingi ng pera ng mga nasabing empleyado ng Marikina City Hall upang pabilisin ng mga ito ang paglalabas ng mga building at occupancy permits na kailangan ng mga complainants.
Sinasabing ilang beses na ring nakipagharap ang mga complainants kina Marikina City Mayor Marcelino Teodoro at Marikina 1st District Rep. Marjorie Ann Teodoro subalit wala ring nangyari sa kanilang mga hinaing.