CAAP ‘di na sisingilin rebooking fees ng airline passengers na apektado ng Mt. Kanlaon eruption
MANILA, Philippines — Hinimok ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ N. Tolentino ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na tiyaking hindi na sisingilin muli ang lahat ng pasahero ng airline na naapektuhan ng mga kanselasyon ng flight dahil sa pagsabog ng Mt. Kanlaon sa Negros Island.
Sa panayam sa daily morning program ni Tolentino na “Usapang Tol”, tiniyak ni CAAP spokesperson Eric Apolonio sa senador na ang rebooking fees ay hindi na sisingilin para sa lahat ng apektadong pasahero.
Ikinagalak ni Tol ang katiyakang ito at binigyang-diin ang kahalagahan ng agarang maipaalam sa mga apektadong pasahero ang tungkol sa waiver.
“Ayun, magandang balita. Ituloy lang natin ‘yung no rebooking fees, yung walang penalty,” anang senador sa programa.
“Naipaalam na ba sa lahat ng kukuha ng ticket ‘yan?” tanong niya sa opisyal ng CAAP.
Sumagot si Apolonio na mayroong mga help desk sa mga paliparan upang tulungan ang mga pasahero sa muling pag-book ng kanilang flight nang walang anumang bayad.
- Latest