MANILA, Philippines — Napatunayang mabisa sa mga sakit sa balat ang “Akapulko” plant na gamit ng mga albularyo, ayon sa pag-aaral ng University of the Philippines Manila’s National Integrated Research Program on Medicinal Plants (NIRPROMP).
Nitong Biyernes, Hunyo 7, nang ihayag ng nasabing research group na nakagawa sila ng herbal lotion laban sa skin fungal infection gamit ang Akapulco plant.
Sinabi ni Institute of Herbal Medicine - National Institutes of Health (IHM-NIH) Director Dr. Cecilia Maramba-Lazarte na solusyon ang nasabing lotion bilang alternatibo sa paggamit ng Azole na epektibo sa paggamot sa mga impeksyon sa balat.
“One solution to this problem is the use of Senna alata, more commonly known as Akapulko,” ani Dr. Maramba-Lazarte.
Ang Akapulko ay may taglay na phytochemical, kabilang ang chrysophanic acid at anthraquinones, na nagpapakita ng malakas na aktibidad na antifungal laban sa Epidermophyton, Microsporum, Trichophyton, at Penicillium.
Sinabi ni Lazarte na ang bisa ng paghahanda ng Akapulko ay nasukat sa mga resulta ng pitong randomized controlled trials sa 726 pasyente.
Apat na clinical trial din ang isinagawa gamit ang NIRPROMP-IHM formulation, na nagatala ng 461 pasyente.
Ipinakita ng mga pagsubok na ito na ang mga paghahandang naglalaman ng Akapulko ay kasing-bisa ng mga synthetic na antifungal na paggamot na naglalaman ng 25 porsiyentong sodium thiosulfate, ketoconazole, o terbinafine cream.