MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang kahalagahan ng pagpasa upang ganap na maging batas ang Philippine Maritime Zones Act (Senate Bill No. 2492), kasunod ng pinakahuling insidente sa pagitan ng Philippine Navy at Chinese Coast Guard personnel sa Ayungin Shoal.
Sa panayam ng Headstart sa ANC, sinabi ni Tolentino, ang pangunahing may-akda at isponsor ng SBN 2492, ang nasabing panukala ay magpapatibay sa mga claim ng bansa sa WPS at magpapatupad sa loob ng bansa sa makasaysayang Hague Arbitral Ruling of 2016 na pumabor sa Pilipinas.
Ipinaliwanag din ni Tolentino na ang panukala ay magsisilbing isang “foundational law” na magbibigay daan din sa iba pang katulad na batas na maaaring ipasa ng Kongreso.
Nang tanungin ni Headstart host Karen Davila kung ang pagpasa ng panukalang batas ay makapipigil sa isang bagong halal na Pangulo na baguhin na lamang ang patakarang panlabas na may kaugnayan sa hidwaan sa WPS, sumang-ayon ang senador.
Higit pa rito, sinabi niya na ang panukala ay magiging bahagi ng pandaigdigang rehimen ng mga batas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS .
“The Maritime zones law, once signed and approved by he President, will have to be submitted to the United Nations Secretary General, not just for compilation, but for dissemination to all member-states, including states which are not signatories to UNCLOS.”
“(The law) will be part of the global regime of laws (and) it will make the next president abide by the Maritime Zones Law,” ayon kay Tolentino.