Paghalik sa fur babies kahit bakunado, delikado — DOH
MANILA, Philippines — Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga pet owners na iwasan ang paghalik o pagpapahalik sa kanilang mga alagang hayop gaya ng aso at pusa dahil sa panganib na maaring makuha sa laway nito kahit sila ay bakunado.
Sinabi ni Health Assistant Secretary at spokesperson Albert Domingo, na masama ang laway na makalipat sa tao, tulad ng mga kalmot at kagat, dahil nagdadala din ito ng nakamamatay na rabies.
Bukod pa sa rabies, delikado rin ang dalang mikrobyo ng laway ng aso at pusa.
“Delikado nagpapahalik sa alaga di lang sa rabies kundi pati ibang mikrobyo ..laway ng aso o pusa ang dinaraanan ng rabies maski bakunado ang ating mga alaga ‘di parin madiskwento posibilidad baka may rabies…mapakagat, kalmot o madilaan ng aso o pusa pwedeng mauwi sa rabies,” paliwanag ni Domingo.
Ang rabies ay may 100% fatality rate kaya lubhang mapanganib at hindi dapat ipagwalang bahala.
Mahalaga aniya na makita ng doktor o nurse sa animal bite center o pinakamalapit na ospital ang sitwasyon para malaman kung kelangan bigyan ng post exposure prophylaxis o bakuna dahil ang sintomas nito pwedeng umabot ng hanggang isang taon bago makita.
Paglilinaw pa niya, maaaring gumaling ang sugat pero ang virus ay dahan-dahan ‘yan depende kung gaano kalayo sa ulo ang kagat, at ‘pag nakarating na sa utak ay huli na ang lahat o kamatayan ang kahahantungan.
Sa datos ng DOH, may 169 kaso ng rabies na ang naitala sa bansa hanggang nitong Mayo, 160 sa kanila ang nasawi habang inaalam naman ang estado ng 9 na iba pa. Mas mataas ito ng 13% sa 150 kaso lang na naitala sa parehong panahon noong 2023.
Pinakamarami sa mga kaso ay naitala sa SOCCSKSARGEN, sinundan ng CALABARZON at Bicol Region.
- Latest