MANILA, Philippines — Ikinabahala ng Commission on Human Rights (CHR) ang diumano'y pamamahagi ng red-tagging pamphlets ng miyembro ng Armed Forces of the Philippines sa isang seminar sa Taytay Senior High School.
Ika-25 ng Mayo nang ireklamo ni Rep. Raoul Manuel (Kabataan Party-list) ang pamamahagi ng mga naturang polyeto, bagay na nagsasabing "makikita sa protesta" ang mga "recruiter" ng Communist Party of the Philippines - New People's Army (CPP-NPA).
Related Stories
"Participating in protest and dissent are forms of public expression used to voice grievances, not to identify themselves as part of an insurgency or communist armed rebellion," sabi ng CHR ngayong Miyerkules.
"Regardless of political orientation and ideology, participating in a protest is an exercise of fundamental human rights, allowing individuals to express their concerns and demand change."
Makikitang nagproprotesta laban sa Charter Change ang mga raliyista sa polyeto, bagay na hindi naman iligal.
Itinuro rin ng polyeto bilang "red flag" ng pagiging isang NPA recruiter ang pagsusuot ng "Serve the People" t-shirts at paggamit ng librong Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (MKLRP), kahit karaniwan itong ginagamit ng mga ligal na aktibista.
Pagdidiin pa ng CHR, ang paglahok sa protesa ay bahagi ng karapatang pantaong prinoprotektahan ng Article III, Section 4 ng 1987 Philippine Constitution.
Walang red-tagging?
Ika-27 lang ng Mayo nang sagutin ng National Security Council (NSC) ang mga naturang alegasyon, bagay na ipinalaganap din ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Aminado ang NSC na namahagi ng mga polyeto sa naturang seminar ng 80th Infantry Battalion. Gayunpaman, wala raw silang ginagawang red-tagging.
"Nowhere in the said materials does it characterize rallyists as terrorists. It merely informed the students of the modus operandi of recruiters of the New People’s Army (NPA) which is factual and based on evidence," sabi ng NSC.
"We strongly deny any accusations of 'red-tagging.' The seminar in question focused only on NPA recruitment and did not target any other organization."
Giit ng mga ahente ng gobyerno, nagbigay lang aniya ang seminar na ito ng "factual information" para makalikha ng informed decisions ang mga kabataan. Committed din aniya ang AFP at NTF-ELCAC sa pagtataguyod ng karapatang pantao habang tinitiyak na walang naha-harass.
Naging transparent din aniya ang naturang seminar sa pakikipagtulungan ng Division of Rizal. Paglilinaw pa nila, boluntaryo ang attendance alinsunod sa direktiba ng Department of Education Rizal.
'Arbitrary labelling delikado'
Sa kabila ng paliwanag ng NSC at NTF-ELCAC at pakikiisa laban sa armadong rebelyon, idiniin ng CHR ang kahalagahan ng pagpapaalala laban sa peligro ng arbitrary labelling.
"It must be stressed that the Supreme Court earlier declared the act of red-tagging as a 'threat to life, liberty and security' as it arbitrarily connects individuals and organisations to the underground armed movement," kanilang paalala.
"This act often results in surveillance, enforced disappearances, and even extrajudicial killings, as individuals and groups become targets for violence and harassment perpetrated by various forces."
Kaugnay nito, hinikayat ng komisyon ang lahat, lalo na ang security forces at duty-bearers, na umiwas sa pagpapakalat ng "misconstrued information" na maaring maging balakid sa kalayaang magprotesta.
Bukod pa rito, ipinaalala rin ng CHR na hindi dapat nakokompromiso ang kaligtasan ng mga indibidwal dahil lang sa paggamit ng kanilang demokratikong karapatan.