MANILA, Philippines — Libu-libo na ang napilitang lumikas matapos ang biglaang pagsabog ng Bulkang Kanlaon, ayon sa pinakahuling taya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa huling datos ng konseho nitong Martes ng gabi, umabot na sa 1,888 ang mga na-displace ng naturang pagputok.
"A total of 582 families or 2,017 persons were affected," dagdag pa ng NDRRMC.
"Of which, 425 families or 1,435 persons were served inside 12 [evacuation centers] and 47 families or 188 persons were served outside the ECs."
Sinasabing nagmula sa Western at Central Visayas ang mga nasalanta, ito habang nakataas pa rin ang Alert Level 2 sa naturang bulkan.
Nagdeklara na rin ng state of calamity sa Canlaon City, Negros Oriental at La Castellana in Negros Occidental matapos ang insidente.Dahil dito, nagpapatupad na ng automatic price freeze sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga naturang lugar.
Wala pa namang datos kung may naitalang pinsala sa ngayon sa sektor ng agrikultura at imprastruktura.
53 volcanic earthquakes
Narito naman ang panibagong updates sa bulkansa nakalipas na 24 oras, ayon sa Phivolcs ngayong Miyerkules:
- volcanic earthquakes: 53
- sulfur dioxide flux: 4,113 tonelada/araw
- plume: 2,000 metrong taas; malakas na pagsingaw; napapadpad sa timog-timog-kanluran hanggang hilagang-kanluran
- ground deformation: pamamaga ng bulkan
BULKANG KANLAON
Buod ng 24 oras na pagmamanman
05 Hunyo 2024 alas-12 ng umaga #KanlaonVolcano
Filipino: https://t.co/f9hebXDO8R
English: https://t.co/IA0xBke6dT pic.twitter.com/1h8OgUfWsG— PHIVOLCS-DOST (@phivolcs_dost) June 5, 2024
Ipinagbabawal pa rin sa ngayon ng state volcanologists ang pagpasok sa apat na kilometrong radius permanent danger zone, maliban pa sa paglipad ng mga eroplano malapit sa bungangang bulkan.
Ipinapaalala rin ng Phivolcs na maaasahan pa rin ng mga biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions sa paligid ng Kanlaon.