Higit 23K inilikas sa pagsabog ng Kanlaon
MANILA, Philippines — Umabot na sa 23,622 residente mula sa limang barangay sa Canlaon City, Negros Oriental ang inilikas matapos ang ‘phreatic explosion’ ng Bulkang Kanlaon nitong Lunes ng gabi.
Ito ang ipinarating na report ni Canlaon City , Negros Oriental Mayor Jose Chubasco Cardenas sa Office of Civil Defense (OCD) 7 kaugnay ng assessment sa mga pamilyang apektado ng pagputok ng Kanlaon.
Ang nasabing bilang ay nasa 40% ng kabuuang populasyon ng lungsod na naitala sa 58,822 kung saan sa kasalukuyan ay nasa 155 pamilya ang nanuluyan sa mga evacuation centers.
Batay sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), nasa 84 barangay mula sa 10 lungsod at munisipalidad ang naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.
Isinailalim na ng PDRRMC sa “Blue Alert” ang buong lalawigan ng Negros Occidental matapos ang naganap na volcanic activity.
Inaalam pa ng lokal na pamahalaan kung may biktima ay nawawalang indibiduwal sa nangyaring pagbubuga ng plume ng bulkan.
Inirerekomenda naman ni Cardenas ang pagdedeklara ng state of calamity sa lungsod. Delikado aniya ang mga pagbaha at putik bunsod ng mga pagsabog.
Samantala, posibleng itaas sa Alert Level 3 ang sitwasyon sa Mt. Kanlaon sakaling magpatuloy ang pag-aalburoto ng bulkan at kapag lumala ang monitoring parameters nito.
Ito ang inihayag ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol kaugnay ng kasalukuyang status ng Kanlaon.
Kailangan anyang maging alerto ang mamamayan sa paligid ng bulkan dahil sa inaasahang magmatic eruption at ashfall na maitatala sa ilang lugar sa Negros Oriental at Occidental bunsod nang vulcanic gas at sulfur dioxide na nailuluwa ng bulkan.
Kung sakali namang mapanatili ang monitoring parameters, magkakaroon ng phreatic explosive eruption pero kung magde-decline naman ang monitoring parameters, maaari namang ibalik sa alert level 1 ang status ng bulkan.
Matatandaang umabot ng limang kilometro ang explosive eruption ng bulkang kanlaon dahilan kaya isinailalim ito sa alert level 2 nitong Lunes ng gabi.
Sinasabing ang phreatic explosion ay sanhi ng sobrang init ng panahon.
Tiniyak naman ni PNP-Directorate for Police Community Relations (DPCR) Chief, PMGen. Bernard Banac, na may sapat na kagamitan ang pulisya para tumugon sa anumang emergency at tulong kasunod ng nangyaring pagputok ng bulkang Kanlaon. — Doris Franche-Borja, Angie Dela Cruz
- Latest