MANILA, Philippines — Nagbigay ng ilang payo ang Department of Health (DOH) kung paano maproprotektahan ng mga residente ang sarili laban sa "ashfall" atbp. peligrong dulot ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon kamakailan.
Sa isang pahayag ngayong Martes, sinabi ng kagawarang laging makinig sa payo ng mga lokal na pamahalaan at agarang lumikas kung kinakailangan.
Related Stories
Narito ang ilan sa mga maaaring gawin upang makaiwas sa negatibong epekto ng ashfall atbp. nakalalasong ibinubuga ng bulkan:
- isara ang mga pintuan at bintana
- gumamit ng basang kurtina o damit para takpan ang anumang siwang na maaaring lusutan ng abo at mga gas
- isuot nang maayos ang mga mask o gumamit ng basang tela para takpan ang ilong at bibig
- para sa amga may hika o
- Chronic obstructive pulmonary disease (COPD), siguruhing may tiyak na suplay ng inhaler medicines at gamitin ito nang naaayon sa utos ng doktor
- kumunsulta sa doktor o health center kung mahirapang huminga
Paano protektahan ang mata:
- gumamit ng safety goggles kung meron
- huwag gumamit ng contact lenses at magsuot muna ng salamin kung malabo ang mata
- huwag kamutin ang mata
- kung mairita ang mata, banlawan ito ng malinis at maligamgam na tubig
- kumunsulta sa doktor o health center kung magpatuloy ang problema sa mata
Paano maproprotektahan ang pagkain:
- maghugas nang kamay bago magluto at kumain
- linisin ang prutas at gulay ng tubig gamit ang running water
- tignan ang expiration date ng mga de lata at nakaimbak na pagkain
- takpan nang maigi ang lalagyan ng pagkain upang maiwasan angkontaminasyon
- agad na kumunsulta sa doktor o health center oras na makaramdam ng pananakit ng tiyan o pagtatae
"Since yesterday, the DOH Western Visayas Center for Health Development (CHD) has been sending facemasks, safety goggles, hygiene kits, jerry water cans, and disaster relief tents to affected areas near Kanlaon Volcano," ani Health Secretary Teodoro Herbosa kanina.
"Nearby hospitals have also been placed on Code White. Mag-ingat po tayo, at makinig sa abiso ng ating local government officials."
Umabot na sa halos 800 katao ang lumikas sa Vestern Visayas matapos ang pagsabog ng bulkan kahapon, bagay na isinailalim na sa Alert Level 2.