Mayor Guo, sinuspinde na ng Ombudsman

Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo in this May 7, 2024

MANILA, Philippines — Sinuspinde ng anim na buwan ng Office of the Ombudsman si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at dalawang iba pa.

Ito’y matapos sampahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kasong graft sa Ombudsman si Mayor Guo kaugnay ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa naturang bayan.

Nadiskubre ng DILG task force na may pananagutan umano ang Bamban-LGU sa nadiskubreng POGO operation doon.

Nag-ugat ito sa pagbibigay ng permit sa Hongsheng Gaming Technology Inc. sa kabila ng pagkabigo ng kumpanya na makumpleto ang mga kinakailangang requirements at pagkakaroon ng expired na lisensya mula Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).

Ayon kay DILG Undersecretary for External, Legal and Legislative Affairs Juan Victor Llamas, Mayo 24 nang ihain nila sa Ombudsman ang  reklamo laban kay Guo sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019.

“‘Yung POGO na it was given a permit – kasi merong permit diyan eh – without the requisite, the necessary requisite. May kulang kasi sila na [requirement], pero binigyan pa rin ng permit….And then, tapos nag-expire pa ‘yung kanyang PAGCOR license, at the time na nag-expire ‘yan eh, hindi kasi nirerevoke ni Mayor ‘yung kanilang business permit,” ani Llamas.

Sa resolusyon ng Ombudsman, bukod kay Guo, pinatawan din ng 6 months preventive suspension si Edwin Ocampo, business permit and licensing officer at Adenn Sigua, municipal legal officer ng Bamban LGU.

Inaatasan na ang DILG na ipatupad agad ang kautusan ng Ombudsman.

Hindi naman kasama sa mga pinatawan ng suspensyon ang bise alkalde at ang mga konsehal ng Bamban LGU.

Ang suspension order ng Ombudsman ay ginawa upang bigyang daan ang ginagawang imbestigasyon sa pagkakaladkad ng pangalan ni Guo sa operasyon ng POGO sa kanyang bayan.

Show comments