MANILA, Philippines — Sinampahan ng kasong kriminal ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa pagkakasangkot umano nito sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore and Gaming Operator (POGO) sa lugar.
Ayon kay DILG Undersecretary for External, Legal and Legislative Affairs Juan Victor Llamas, Mayo 24 nang ihain nila sa Ombudsman ang reklamo laban kay Guo sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019.
“‘Yung POGO na it was given a permit – kasi merong permit diyan eh – without the requisite, the necessary requisite. May kulang kasi sila na [requirement], pero binigyan pa rin ng permit… .And then, tapos nag-expire pa ‘yung kanyang PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corporation) license, at the time na nag-expire ‘yan eh, hindi kasi nirerevoke ni Mayor ‘yung kanilang business permit,” ani Llamas.
Sinabi ni Llamas na hindi binawi ni Guo ang business permit ng POGO matapos na mag-expired ang lisensiya nito sa PAGCOR.
Bukod kay Guo, ilan ding local officials ang kasama sa reklamo.
Kasalukuyang ginigisa si Guo bunsod ng pagkasangkot nito sa Zun Yuan Technology Inc., na sinalakay noong Marso dahil sa reklamo ng human trafficking and serious illegal detention.
Una nang inirekomenda ni DILG Secretary Benhur Abalos ang suspensiyon kay Guo.