MANILA, Philippines — Hindi inaasahan ni Danilo Enterio ng Bunawan, Agusan del Sur na tatagal pa ang kanyang buhay matapos siyang ma-diagnose na may pamamaga sa atay simula noong 2023.
Ayon kay Danilo, hindi sana siya makapagkukuwento ngayon kung hindi nila nakilala ng kanyang anak na si Marilou Enterio dela Cruz, sa eroplano mula Davao City patungong Maynila, si Senator Christopher “Bong” Go, ang ama ng Malasakit Center Program.
Ibinahagi ni Marilou na labis na ang kanilang stress na pangasiwaan ang pangangalaga sa kanyang ama bukod sa lumalaking gastos at paghihirap ng kanyang pamilya.
Habang nasa biyahe sa eroplano, hindi na napigilan ni Marilou ang sarili na lapitan ang senador.
“Nung panahon na ‘yun, March 15, nagkasabayan kami ni Senator Bong Go sa eroplano. At doon nag-usap sila ng aking anak at doon na kami nagkwentuhan pagbaba sa Manila airport,” kuwento ni Danilo.
Inilarawan ni Danilo kay Sen. Go ang kanyang karamdaman bilang “acute and alarming”.
Umabot na sa halos kalahating milyong piso ang kanyang mga bayarin sa ospital kaya naantig ang puso ni Sen. Go.
Nang makarating ang mag-ama sa Taguig Pateros District Hospital sa Taguig City, kung saan nakabase si Marilou, agad tumulong ang Malasakit Center para mabayaran ang lahat ng medikal na bayarin at pang-araw-araw na gastos ni Mang Danilo.
Si Sen. Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.
Ang testimonya ng mag-amang Danilo at Marilou sa pagkamit ng buhay sa tulong na ibinigay ng Malasakit Centers ay nagpapatibay sa pangako ni Sen. Go na mailapit ang maayos na pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng Pilipino.