MANILA, Philippines — Sa gitna ng pagtataas ng mga presyo sa mga pangunahing bilihin, nangako ang walong manufacturers na magpapatupad ng price freeze bilang suporta sa mga mamimiling Pinoy dahil sa idinulot na pinsala ng El Niño sa bansa, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Kabilang sa nag-isyu ng price freeze orders sa 31 stock-keeping units (SKUs) na canned meat, processed milk at bottled water, San Miguel Food, Alaska Milk Corporation, Monde Nissin, Nestlé, at NutriAsia, Inc.
“The DTI greatly appreciates the efforts of manufacturers to freeze their prices. This collaborative initiative is vital in ensuring that consumers, especially those in areas not under price control, have continued access to basic goods at affordable prices,” ani Trade Secretary Alfredo Pascual.
Kabilang din ang instant noodles, kape at condiments mula sa mga brands na Lucky Me! Instant Mami, Liberty Condensada, Alaska Classic Sweetened Condensed Milk, Bear Brand Fortified Powdered Milk Drink, Nestle Carnation Condensada, Datu Puti Soy Sauce, Datu Puti Vinegar, San Mig Coffee 3-in-1 Original, Purefoods Chinese Style Luncheon Meat, at Star Corned Beef.
Ang DTI-led voluntary price freeze sa basic necessities and prime commodities (BNPCs) na sinimulan ng mga manufacturer ay tatagal hanggang Hulyo 10, 2024.
Bukod pa ito sa una nang ipnatupad na automatic price freeze sa mga lalawigan at munisipalidad sa bansa na matinding naapektuhan ng El Niño, na tatagal ng hanggang 60 araw partikular sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity at state of emergency, alinsunod sa Republic Act 7581 (Price Act).
Kasabay nito, hinimok niya rin ang iba pang manufacturers na makiisa sa inisyatiba.