Gatchalian: Mayor Guo at ‘Lin Wen Yi’ sabay magpa-DNA test
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Sen. Sherwin Gatchalian si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na sumailalim sa DNA test kasama si Lin Wen Yi, isang Chinese national na pinaniniwalaang kanyang biological mother.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Gatchalian na madaling mag-imbento ng kuwento kaya ang pinakamaganda ay magpa-DNA test sina Guo at Lin Wen Yi.
“Madali namang mag-imbento ng kwento, kaya ang pinaka maganda ngayon ay mag DNA [test] silang dalawa para mapatunayan na itong mga lumalabas na impormasyon ay hindi totoo, at lalakas ang kanyang posisyon,” ani Gatchalian.
Pinagdududahan ang totoong pagkatao ni Guo dahil halos wala itong maibigay na detalye habang lumalaki siya sa Tarlac.
Maikukumpara sa telenovela ang buhay ni Guo na base sa kanyang salaysay ay anak umano siya ng kanyang Chinese na father sa kanilang kasambahay.
Pinanindigan ni Guo sa pinakahuling pagdinig sa Senado na isang Amelia Leal ang kanyang ina dahil ito ang nakasulat sa kanyang birth certificate at lumaki siya sa farm kung saan siya nag-home school.
Inilabas kamakalawa ni Sen. Risa Hontiveros ng ilang dokumento sa media na nag-uugnay kay Guo at Lin Wen Yi na kabilang umano sa mga co-incorporator ni Guo sa hindi bababa sa pitong negosyo.
Sinabi naman ni Gatchalian na maaaring patunayan ng mga residente ng Valenzuela na si Lin Wen Yi ang tinukoy bilang ina ng alkalde na ang pamilya Guo ay nakatira pa sa lungsod.
Binanggit din niya ang mga talaan ng paglipad na sinasabing naglalakbay si Lin Wen Yi kasama si Jian Zhong Guo, ang ama ng alkalde ng Bamban, nang hindi bababa sa 170 beses sa 7-8 taon.
Ayon pa kay Gatchalian, karamiham sa kanilang destinasyon ay sa China.
- Latest