2-day collective fishing sa West Philippine Sea 'tagumpay' vs China ban

Makikita sa larawang ito habang naghahanda ang ilang mangingisda, sa pangunguna ng progresibong grupong PAMALAKAYA, laban sa apat na buwang "fishing moratorium" ng Tsina sa South China Sea.
Released/PAMALAKAYA

MANILA, Philippines — Idineklarang matagumpay ng mga aktibistang mangingisda ang isinagawa nitong fishing expedition sa West Philippine Sea sa gitna ng pagbabawal na ipinatutupad ng Beijing.

Ang naturang "collective fishing" ay ikinasa ng grupong PAMALAKAYA mula ika-30 hanggang ika-31 ng Mayo sa mga katubigang malapit sa Masinloc, Zambales.

Ginawa ang naturang pangingisda bilang pagpalag sa apat na buwang fishing moratorium ng China sa ilang bahagi ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

"What we did was not only an act of defiance against China’s self-imposed fishing ban," wika ni Joey Marabe, provincial coordinator ng PAMALAKAYA-Zambales ngayong Biyernes.

"It was moreover an assertion that our territorial waters should be exclusive for fishing and other economic activities, not for warmongering military projection of any foreign power."

Patuloy kasing inaangkin ng Tsina ang halos kabuuan ng South China Sea, kahit na una nang binalewala ng Permanent Court of Arbitration ang kanilang nine-dash line claim noong 2016. Ang West Philippine Sea ay saklaw ng naturang erya sa loob ng EEZ ng bansa.

Ang fishing moratorium ng Tsina sa South China Sea at ilang bahagi ng West Philippine Sea ay sinasabing magtatagal mula Mayo hanggang ika-16 ng Setyembre.

Ibinaba ang naturang direktiba, na una nang iprinotesta ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Navy, matapos utusan ng Beijing ang kanilang coast guard na ikulong ang "trespassers" ng South China Sea nang walang paglilitis. 

Kontrolado ng Beijing ang ilang features sa loob ng Philippine EEZ gaya ng Bajo de Masinloc (Scarborough o Panatag Shoal). Sa pagtataya ng PAMALAKAYA nasa P223 bilyong halaga na ang napipinsala ng Beijing sa katubigang Pilipino.

'Paglaban din sa panghihimasok ng US'

Wika pa ng grupo, ikinasa ang fishing expedition hindi lang laban sa panghihimasok ng Tsina ngunit para na rin ipinawagan ang "total demilitarization" ng West Philippine Sea.

Sinabi ito ni Marabe matapos ang ikinasang "Balikatan Exercises" sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa San Antonio at San Marcelino sa Zambales.

Aniya, nakapaminsala rin daw ito sa kabuhayan ng mga mangingisda sa ilang kapalit na coastal towns, kabilang na ang Masinloc.

"Tiyak na nakaapekto nang malubha sa yamang-dagat ang isinagawang pambobomba ng U.S. sa karagatan ng Zambales," wika ni Jojo Ecijan, presidente ng Masinloc-based Panatag Fisherfolk Association.

"Ramdam ito ng mga mangingisda sa ilang bayan ng lalawigan na simula nang matapos ang Balikatan noong Mayo, bumaba ang nahuhuling isda at kita sa bawat pagpalaot."

"Kaya hindi lamang China ang kailangang papanagutin sa patuloy na okupasyon, kundi maging ang karibal nitong US na kaparehong nagdudulot ng perwisyo sa aming kabuhayan at paglabag sa ating kasarinlan."

Ngayong Mayo lang nang sabihin ng grupong umabot sa 13,000 mangingisda ang naperwisyo ng mga ipinatupad naa "no-sail zones" buhat ng Balikatan Exercises.

Sinasabing umabot sa 20 maliliit na mangingisda ang lumahok sa naturang fishing expedition, ito kasama ang iba't ibang progresibong grupo gaya ng Pilipinong Nagkakaisa Para sa Soberanya (P1NAS), League of Filipino Students (LFS) at mga kinatawan ng Makabayan bloc.

Show comments