'Aghon' nagdulot ng P365-M halagang infra damages sa CALABARZON

Lagay ng mga residente sa Lucena, Quezon matapos ang bagyong "Aghon"
Released/Lucena Public Information Office

MANILA, Philippines — Milyung-milyong halaga ng pinsala na ang iniwan ng Typhoon Aghon sa impastruktura, ayon sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Biyernes kasi nang maibalitang umabot sa P365,470,000 halaga ang pinsalang naitamo rito sa rehiyon ng CALABARZON. Maliban pa ito sa 22 kabahayang napinsala ng naturang bagyo sa Eastern Visayas.

Samantala, P21.65 milyon naman ang naitalang production loss sa sektor ng agrikultura, bagay na nakaapekto sa 365 magsasaka at mangingisda.

Katumbas ito ng 292.9 ektaryang lupain ang naapektuhan ng bagyo sa parehong rehiyon. Nasa 191.1 ektarya rito ang sirang-sira na at sinasabing walang pag-asang makabangon, ayon sa NDRRMC.

Maliban pa rito, humaharap sa P447,300 halaga ng pinsala ang sektor ng livestock, poultry at mga pangisdaan.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang isailalim sa state of calamity ang dalawang distrito sa probinsya ng Quezon, dahilan para magpatupad ng price freeze sa mga batayang pangangailangan sa mga naturang lugar.

 

 

6 na patay, 8 sugatan

Tumuntong naman na sa 51,858 katao ang naapektuhan ng sama ng panahon. Kabilang na rito ang sumusunod:

  • patay: 1
  • sugatan: 8
  • lumikas: 21,225
  • nasa loob ng evacuation centers: 14,816
  • nasa labas ng evacuation centers: 6,409

Una nang sinabi ng konsehong nagdulot ng pag-apaw ng mga ilog, pagbaha, buhawi, pagtumbaa ng puno at landslide ang sama ng panahon sa mga sumusunod na lugar:

  • Cagayan Valley
  • Central Luzon
  • CALABARZON
  • MIMAROPA
  • Bicol Region
  • Eastern Visayas

Bukod pa rito, ilang residente rin ang naapektuhan ng bagyo sa National Capital Regional at Central Visayas.

Mahigit P13.33 milyong halagang ayuda na rin ang naipamahagi sa mga residente ng CALABARZON, MIMAROPA, Bicol at Central Visayas sa ngayon sa porma ng family food packs, hygiene kits, atbp.

Ang Typhoon Aghon ang pinakaunang bagyong nakapasok sa Philippine area of responsibility ngayong 2024 kahit na nangangalahati na ang taon. Una nang sinabi ng PAGASA na below-average na ang bilang ng bagyo sa ngayon, bagay na isa sa mga epekto ng umiiral na El Niño phenomenon.

Show comments