MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na lusot na sa Ministry of Justice ng Timor Leste ang extradition request ng gobyerno ng Pilipinas para kay dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves.
Gayunman, sinabi kahapon ni DOJ spokeperson , Asec Mico Clavano na hindi pa masasabi kung kelan mapapauwi ng bansa si Teves na nahaharap sa patung-patong na kaso kaugnay sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4, 2023.
Hinihintay pa aniya ng DOJ ang magiging desisyon ng Court of Appeals ng Timor sa extradition request.
Pinaghahandaan na ng DOJ ang pagpapauwi sa oras na magpasiya na ang Timor, Leste dahil naipasa na naman ng Ministry of Justice ang request sa CA doon.
“Preparations is on the way, hinihintay pa namin ang Court of Appeals doon sa Timor Leste dahil pinasa na ng Ministry of Justice ang ating request sa CA, yong proseso po kasi diyan, dadaaan po muna sa screening ng Ministry of Justice yong extradition request natin, pasado na po, finorward na po ang ating extradition request sa Court of Appeals,” ani Clavano.
Wala umanong magagawa ang DOJ kundi maghintay kung kailan lalabas ang desisyon ng CA sa nasabing request, at umaasa na lamang na sa mga susunod na linggo ay may resulta na ito.