ROTC Games pandaigdigan ang kalibre, dapat suportahan

MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Senator Francis Tolentino na pa­n­daigdigan na ang kalibre ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Games kaya nanawagan siya sa publiko na suportahan ang kompetisyong ito.

Ayon kay Tolentino, tampok sa ROTC Games ang mga coordinator, referees, at umpires na may pang-internasyonal na kalidad. Kabilang aniya sa mga coordinator ang ina ng Filipino Olympian na si EJ Obiena.

Binigyang-diin ni Sen. Tolentino ang mga nagawa ng mga kalahok, tulad ng nagwagi sa long jump competition na siya ring second runner-up sa Miss ROTC pageant mula sa Siquijor University.

Nagpapakita aniya ito na ang mga kalahok ay hindi lamang mga talentadong atleta bagkus ay nagtataglay rin ng kagandahan at  talino. Higit pa rito, isang boksingero ang nagkuwalipika sa pambansang koponan ng Pilipinas at nakatakdang sumabak sa Southeast Asian Games.

Kaya naman umapela si Tolentino sa publiko ng suporta para sa ROTC Games, na binibigyang-diin ang kasaganaan ng mga mahuhusay na atletang Pilipino na kulang lang ng sapat na suporta.

Pinasalamatan ni Tolentino ang lahat ng local government units na nag-host ng iba’t ibang venue ng kompetisyon.

Ang Visayas leg ng ROTC Games 2024 ay kasalukuyang ginaganap sa Bacolod City, kung saan humigit-kumulang 3,000 atleta ang kalahok. 

Show comments