MANILA, Philippines — Milyun-milyong halaga ng pinsala na ang naitatala sa sektor ng agrikultura matapos makalabas ng Philippine area of responsibility ang Typhoon Aghon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Pumalo na kasi sa P21,651,548 ang production loss o cost of damage sa CALABARZON dulot ng bagyo, bagay na nakaapekto na sa 369 magsasaka at mangingisda.
Related Stories
Apektado tuloy sa ngayon ang sumusunod na sakahan, sabi ng pinakahuling tala ng NDRRMC ngayong Huwebes:
- walang pag-asang makaahon: 191.1 ektarya
- may tiyansang makaahon: 100.9 ektarya
Bukod pa rito, nakapagtala na ng P448,300 halagang pinsala sa livestock, poultry at mga palaisdaan.
Umabot naman na sa 22 kabahayan ang napinsala ng bagyo sa ngayon sa Eastern Visayas. 18 dito ay bahagyang pagkapinsala habang apaat dito ay sirang-sira na.
Wala pa namang datos ang konseho patungkol sa halaga ng pinsalang naitamo sa mga imprastruktura.
Ilang insidente ng pag-apaw ng mga ilog, pagbaha, buhawi, pagbagsak ng puno at pagguho ng lupa na ang naitatala sa mga sumusunod na lugar bunsod ng bagyo:
- Cagayan Valley
- Central Luzon
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Bicol Region
- Eastern Visayas
Patay dumarami
Dahil sa hagupit ng naturang bagyo, umabot na sa 51,858 katao ang nasalanta ng bagyo, ayon sa NDRRMC. Kabilang na rito ang:
- patay: 6
- sugatan: 8
- lumikas: 21,225
- nasa loob ng evacuation centers: 14,816
- nasa labas ng evacuation centers: 6,409
Ang mga namatay ay sinasabing nagmula sa probinsya ng Quezon at Misamis Oriental. Ang ilan sa kanila ay nalunod o labis na sugatan matapos mahulugan ng puno.
Gayunpaman, una nang iniulat ng Philippine National Police (PNP) sa Agence France-Presse na umabot na ito sa pito.
Nakapag-abot naman na ng mahigit P6.76 milyong halaga ng ayuda sa mga nasalantang residente ng CALABARZON, MIMAROPA, Bikol at Central Visayas sa porma ng family food packs, hygiene kits, atbp.